jeepney

Jeep - Ito ang pangunahing transportasyon na ginagamit sa ating bansa, mura na accessible pa, dahil kahit saang sulok yata ng Pilipinas e meron nito. May mahaba, may maikli, may masikip, may maluwag, may bago, may bulok na puro kalawang pati upuan. May mabahong driver at panget na dispatcher, pero may mga maayos din naman, maayos ang damit ng driver, nakasapatos at kanais-nais ang amoy. May mga tsuper na hindi sumusunod sa mga patakaran ng lansangan at meron din naman na sumusunod sa bawat patakaran na nakatutulong sa pagdaloy ng trapiko. Ibat-ibang klase ng tao ang makikita mo sa loob ng sasakyang ito, may ibat-iba ring ginagawa habang nasa loob ng sasakyan. May mga estudyante na kung kelan nasa loob na ng jeep tsaka magrereview para sa kanyang pagsusulit. Ilan na kayang estudyante ang gumawa non? a) lahat ng estudyante sa Pilipinas b) yung mga estudyante na nagkukunwari lang na matalino, para lang masabi ng mga kasabay nila sa jeep na nagrereview sila c) isa ako sa gumawa nyan d) hindi nakapag-review dahil nanuod ng "STAR STRUCK". May mga tao din na ginagawang tulugan ang loob ng jeep, hikab dito hikab doon, "mama para! lagpas na pala ko. Meron ding mandurukot na wallet mo ang sinusubaybayan, may mga holdaper na walang ibang trabahong alam kundi ang mang-agaw. May mga braso at sikong naka-umang para sa mga babaeng malaki ang puhunan. May mga magkasintahan na minsan ay doon pa naghahalikan. Nung minsan, papauwi ako galing trabaho may nakasabay akong dalawang babaeng magkatabi sa upuan ng jeepney, yung isa ay babaeng-babae at yung isa ay kilos lalake. Napatingin ako sa dalawa, alam nyo ba kung ano ginawa? bigla ba namang naghalikan, yuck, "masuka talo". May mga taong lingon ng lingon habang daan, dahil hindi pala nila alam kung anong lugar ang kanilang pupuntahan, manong manong byaheng ano po ba to? Bakit iha saan ka ba pupunta? Cubao po, ay mali Cabiao yung nasakyan mo, ang layo Nueva Ecija na yun ah. Malabo ba ang mata oh sadya lang na TANGA? Ako, ilang beses na rin akong lumagpas sa aking pupuntahan. Bakit nga ba ako lumalagpas? a) isa ako sa TANGA b) nakatulog at tumulo pa ang laway habang daan c) kulang ang ibinayad kaya inilagpas ng tsuper d) nahiyang pumara dahil sobrang mahiyain.
May mga tsuper na sisigawan ka dahil kulang ng piso ang ibinayad mo, at kapag hihingin mo naman ang sukli mong piso, sisigawan ka parin ng tsuper at sasabihing: oo! para kang hindi susuklian ah!
Marami ka ring mga signages na makikita sa loob ng jeepney. Halimbawa: "No smoking", pero si manong pausok parin ng pausok ng sigarilyo nya. Meron pa, "Basta't driver sweet lover", sino na nakabasa nyan? Eto pa, "Kunin mo na ang katawan ko, huwag lang ang kita ko". Hindi pahuhuli ang: "Barya lang po sa umaga upang hindi maabala". Eto malupet, "hila mo HENTO ko", ang galing sa spelling nung gumawa non.
Marami kang matututunan at matutuklasan dahil sa pagsakay mo sa sasakyang ito. Ibat-ibang klase ng tao ang makakasabay mo patungo sa lugar na iyong pupuntahan, iba't-iba man ng landas ang inyong tatahakin. Sakay na, maging mabuting mamamayan at mag-byahe tayo patungo sa TAGUMPAY. 

buhay ka pa ba?

Sabi nila ang buhay ay parang singaw, mabilis na dumarating, mabilis ding nawawala. Dapat mo bang paghandaan ang pagkawala ng iyong hininga? Kailangan mo bang alamin ang araw at oras ng pagkawala ng iyong buhay? Gusto mo bang alamin kung saan ka dadalin kapag ililibing ka na? Mag-request ka nalang sa mga kamag-anak at pamilya mo na dalin ka sa gusto mong lugar. Pwedeng don ka magpalibing sa lugar na dinadaanan ng mga sasakyan para marami kang matanaw na mga nagdadaan kapag patay ka na. Pwede ring sa lugar na maraming bulaklak para mabango ka habang naaagnas ka na. Pero mas maganda huwag ka magpalibing, sabihin mo nalang sa mga kamag-anak mo na lagyan ka ng maraming "ASIN" at ibilad ka sa sikat ng araw hanggang sa matuyo ka, makikita ka na nila ng matagal pwede ka pa nilang unti-untiin kapag wala silang ulam, "KAMATIS" lang ang katapat mo. Sabihin mo rin sa pamilya mo na yung dugo na kukunin sayo ng "embalsamador" eh idonate nalang sa "REDCROSS" para makatulong ka naman kahit papano sa mga nangangailangan ng dugo. Pwede rin nilang ituhog sa stick at iihaw kapag wala silang ulam. Mas maganda rin sigurong tugtog sa araw ng libing mo eh yung "thriller" ni Michael Jackson para nakakatakot, sabihin mo rin sa pamilya mo na imbitahin yung mga "dancing inmates" sa Cebu para mailagay sa YOUTUBE ang libing mo. Huwag mong kalilimutan yung ataol, kailangan maganda yung ataol mo, palagyan mo ng grado yung salamin ng ataol para malaki yung mukha mo kapag sinilip ka ng mga taong makikiramay sayo. Mas mainam din na kulay ng ataol eh kulay pink, tapos palagyan mo ng mukha ni "BAYANI" sa bandang gilid. Tapos para maiba naman eh bilog na hugis itlog ang ipagawa mong ataol. Mas maganda din siguro kung may aircon yung ataol para presko kapag nasa loob kana. Kahit siguro anong ganda ang gawin sayo sa araw ng burol at libing mo eh balewala na rin kasi hindi mo na alam ang lahat ng iyon. Kaya habang nabubuhay tayo, gumawa na tayo ng tama. Maging mabuti at may dignidad na mamayan habang ikaw ay nabubuhay. Which is more important, the lenght of life or the quality of life?