Balikan ulit natin, nakapasok ako sa ikalawang baitang na hindi marunong bumasa ng english, isa ako sa mga estudyante na may utang na loob sa kanilang mga kaklase dahil sa pagtuturo nilang bumasa sa isang sulok ng aming kwartong pinapasukan. Meron yata kaming lima noon sa aming klase na hindi marunong bumasa ng english, puro yata kami lalake hindi ko na matandaan yung iba. Makalipas ang anim na buwan natuto rin akong bumasa, hindi joke lang, isang buwan lang akong pinag-tiyagaan na turuan ng aking kaklase.
Naranasan mo bang magbuhat ng isang galong tubig para magdilig ng mga halaman sa plant box at sa paso na nakalagay sa gilid ng inyong kwartong pinapasukan? Kung ikaw ay nag-aral sa Pampublikong paaralan nung ikaw ay elementarya malamang naranasan mo yun. Una-unahan kami noon sa pagkuha ng galon sa dahilang ayaw mong mapunta sayo ang galon na walang kwenta, na pahihirapan kang isahod sa poso at hindi mapuno-puno dahil may butas pala. Dinidilig din namin noon ang vegetable garden na kami mismo ang gumawa at kapag namunga na isinasahog ni Teacher sa ulam nila. Si teacher sarap na sarap samantalang kami hirap na hirap.
Nakakita ka na ba ng saku-sakong green peas na naka-imbak lang sa principal's office na dapat sana'y ibinibigay sa mga estudyante? Eh yung pilit kang pabibilihin ng ice candy kahit may sipon ka para lang maubos ang tinda nila, at ayaw kang pabilihin sa labas dahil hindi sila ang kikita.
Ang sarap balikan ng pagiging bata, naranasan mo bang manghuli ng KRUKYA sa maalikabok na lupa na unti-unti mong binubutasan at binabanggit mo ang salitang "krukya" na bigla mo nalang makikita na lumalabas na sya? At takot na takot ka sa kotseng pula sa pag-aakalang ang lahat ng yon ay MANDURUGO. Gusto ko ng umiyak non kapag may nakikita akong kotseng pula na humihinto sa gilid ng kalsada, pakiramdam ko'y kukunin nila ko at iaalay sa tulay. ---->Itutuloy
